Sportsfeature
Hampas ng batang atleta
By: Maricar S. Bucasas | December 13, 2018
Mga mata niya'y animo'y mga mata ng agila na nakatitig at sinisipat ang bawat hampas ng kalaban at ang kanyang mga kamay ay nanginginig at nag-iinit ng pakawalan ang mala-hagupit na buhawing hampas nito sa raketa.
Sa bawat hampas niya sa raketa ay kasabay ng pagdaloy sa agos ng kanyang karera upang irepresenta ang pangalan ng kanyang bayan. Siya si Brent Lander E. Valdoz, isang "batak na manlalaro".
Bata pa lamang ay kinakikitaan na ng galing sa paglalaro ng badminton ang munting atleta. Nagsimula ito noong siya ay nasa ikalawang baitang sa elementarya. Matapos madiskubre ng kanyang guro ang galing sa paglalaro ay agad siyang isinabak sa city meet ngunit hindi siya naging mapalad na iuwi ang pagkapanalo.
Hindi siya sumuko sa pag-eensayo bilang isang badminton player. Hanggang sa siya ay dumating sa ika-anim na baitang ay natanggap nito ang ika-apat na pwesto sa city meet, hindi man mapalad na makuha ang unang pwesto ngunit umpisa pa lamang ito ng kanyang karera.
Nanalo rin siya sa “Smashed Up” Competition sa sumunod na taon kasama ang kanyang ka-doubles na si Johnnie Almray at mula noon ay binansagan na siya ng kanyang mga kasama na "batak na manlalaro" sa kanilang grupo.
“Bago ako mag grade 7 bali bakasyon noon n'ung pumunta ako sa plaza, tapos 'yung mga matatanda d'on, pinalaro nila ako hanggang sa nagtuluy-tuloy na 'yung pag-practice ko doon lagi kasi nga may potensyal daw ako,” wika ni Brent Valdoz.
Dagdag pa ng munting atleta, labis ang suportang natatanggap nito sa kanyang mga magulang dahil alam umano ng mga ito na magiging masaya ang kanilang anak.
Ang kanyang tagumpay ay hindi nagtatapos dito sapagkat ito ay nagtuluy-tuloy hanggang sa ika-sampung baitang. Sa katunayan, muntik na siyang isabak sa Vigan para irepresenta ang paraalang kanyang pinapasukan, bagama't siya’y isang mag-aaral ng Special Program in Journalism (SPJ) ay hindi niya pinabayaan ang paglalaro ng Badminton at isinabay niya ito sa kanyang pag aaral.
“Pumapasok ako sa school mula Monday to Friday tapos 'pag Sabado, pumupunta pa rin akong plaza at doon ako tinuturuan ni kuya Jimmy na dating national player din.” Ayon sa kanya, isa ito sa mga naging dahilan kung bakit lumakas at gumaling siya sa paglalaro ng badminton.
Naging sentro na rin ng buhay ni Brent ang paglalaro ng badminton kaya naman sa bawat palo na kanyang ginagawa ay sinasamahan niya ito ng buong lakas ng loob, tiwala, at paninindigan sa itaas.